Dagupan City – Patuloy ang pagkilos ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan upang matugunan ang epekto ng Habagat at maihatid ang kinakailangang tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng masamang panahon.
Pinangunahan ng Pangasinan Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang tuloy-tuloy na relief operations at pamamahagi ng assistance sa mga pamilyang nangangailangan. Nakatuon ang mga hakbang sa pagtugon sa pangunahing pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha.
Samantala, nagsasagawa naman ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) ng assessment at validation sa mga nasirang agricultural properties, pananim at kabuhayan ng mga magsasaka. Layunin nitong matukoy ang lawak ng pinsala at matukoy ang mga kinakailangang suporta para sa kanilang pagbangon.
Katuwang din ng Pamahalaang Panlalawigan sa response operations ang Philippine Army – 71st Infantry Battalion, Bureau of Fire Protection (BFP) at Pangasinan Provincial Police Office. Patuloy silang nakikilahok sa pagtugon sa mga pangangailangan sa mga apektadong lugar at pagpapanatili ng kaligtasan ng mga residente.
Sa gitna ng patuloy na epekto ng Habagat, nagpapatuloy ang koordinasyon ng mga ahensya upang mapabilis ang pagtugon, relief assistance at recovery efforts para sa mga Pangasinenseng naapektuhan ng kalamidad.










