Dagupan City – Arestado ang isang suspek matapos makumpiska ang tinatayang 21.7 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱147,560 sa isinagawang buy-bust operation ng Lingayen Municipal Police Station (MPS) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 (PDEA-RO1) sa Lingayen, Pangasinan.
Pinangunahan ang operasyon ng Drug Enforcement Team (DET) ng Lingayen MPS sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Junmar C. Gonzales, Chief of Police, mula alas-11:26 ng gabi noong Setyembre 9 hanggang alas-12:30 ng madaling-araw noong Setyembre 10, 2026.
Nakuha mula sa operasyon ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na sinasabing subject ng bentahan at possession.
Nakumpiska rin ang isang tunay na ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Dinala na sa kustodiya ng pulisya ang naarestong suspek at nakatakdang harapin ang kaukulang kaso dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni PLTCOL Gonzales ang mga operatiba sa kanilang isinagawang operasyon at patuloy na pagsisikap laban sa ilegal na droga.
Tiniyak naman ng Lingayen MPS ang pagpapatuloy ng mga operasyon upang matugunan ang mga aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga at mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad.










