DAGUPAN, CITY— Tumakbo dahil sa takot ang isang driver matapos na lumiyab ang kanyang minamanehong ng funeral car sa Sitio Caloocan, Brgy. Tebag West sa bayan ng Sta. Barbara.
Ayon kay PMaj. Rizalino Suarez, OIC Sta. Barbara PNP, papunta ang driver at isang kasamahan nito para sa nakatakdang funeral procession ng kanilang kliyente ng kanilang funeral home nang biglang makita nito na umuusok na ang harapang bahagi ng sasakyan at tuluyan itong nasunog.
Dahil sa pangyayari ay hindi nag-atubili na tumakbo ang nagmamaneho ng sasakyan na bakas ang takot kasunod ng insidente.
Nakilala ang driver ng nabanggit na sasakyan na si Jefferson Cortez ng Mt. Zion Funeral Homes at residente ng Brgy. Guebel sa bayan ng San Jacinto.
Agad naman na rumesponde ang Sta. Barbara BFP upang maapula ang nabanggit na sunog.
Nagpaalala naman si Suarez sa mga driver ng mga sasakyan sa kanilang nasasakupan na tiyakin na nasa kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago sumakay o bumiyahe para maiwasan ang kahalintulad na insidente. (with reports from: Bombo Maegan Equila)