Arestado ng mga tauhan ng Dagupan City Police Office o DCPO ang isang wanted person na nahaharap sa kasong psychological violence sa ilalim ng Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Isinagawa ang pag-aresto bandang alas-2:30 ng hapon nitong Setyembre 15 sa Dagupan City ng pinagsanib na puwersa ng Police Station 1, City Intelligence Unit at City Investigation Detection and Monitoring Unit. Ang suspek ay isang 29-anyos na lalaki at residente ng Lingayen, Pangasinan.
Isinilbi sa suspek ang warrant of arrest na inilabas ng Family Court, First Judicial Region, Branch 14 sa Lingayen, Pangasinan. Inirekomenda ng korte ang piyansang nagkakahalaga ng 72-libong piso para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa R1 Medical Center Annex sa Bonuan Binloc, Dagupan City para sa medical examination bago inilipat sa Police Station 1 para sa dokumentasyon. Kasalukuyan siyang nakapiit sa DCPO Custodial Facility sa ABF West, Poblacion Oeste, Dagupan City habang hinihintay ang kaukulang disposisyon ng korte.










