Magpapasya si US president Donald Trump sa loob ng susunod na dalawang linggo kung sasali ba ang kanilang bansa sa hidwaan sa pagitan ng Israel at Iran, sa gitna ng lumalakas na espekulasyon ukol sa posibleng pakikilahok ng US at pangamba ng mas malawak na kaguluhan.
Sa isang press briefing sa White House, sa Washington sinabi ni White House Press Secretary Karoline Leavitt na nagbigay ng pahayag si Trump na may kinalaman sa maaaring maganap o hindi maganap sa Iran sa nalalapit na hinaharap.
Dagdag ng press secretary na ang pangulo ay laging interesado sa diplomatikong solusyon kaya kung may pagkakataon para sa diplomasya, palaging sasamantalahin umano ng pangulo.
Ngunit hindi rin umano siya natatakot gumamit ng lakas kung kinakailangan.
Inilarawan ng US ang unang pag-atake ng kaalyadong Israel sa Iran noong Hunyo 13 bilang isang “unilateral na aksyon.”
Ngunit ipinahiwatig mismo ni Trump na alam niya ang tungkol sa pag-atake bago ito mangyari at sinusuportahan niya ang kampanyang militar ng Israel.