Dagupan City – Hindi naging pinakamalakas na bahagi ng presentasyon ng prosekusyon ang pagharap kay dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang bilang expert witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Constitutional at Political Analyst Joseph Emmanuel Cera.
Ayon kay Cera, nagkaroon umano ng kalituhan sa bahagi ni Cabotaje-Tang tungkol sa kung sino ang may kapangyarihang mag-isyu ng subpoena, kaya inilarawan niya ang naging bahagi ng testimonya bilang lost in translation. Aniya, sa cross-examination ay lumitaw ang mga kahinaan sa kanyang presentasyon bilang expert witness, dahilan upang maging mahirap sundan ang ilan sa kanyang mga sagot.
Gayunman, sinabi ni Cera na hindi tuluyang nawala ang mga puntong nais ipakita ng prosekusyon, partikular sa mga isyu ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, Code of Ethics, at unexplained wealth. Aniya, mahalagang suriin ang anumang discrepancy sa deklarasyon ng ari-arian at sa galaw ng pera sa bank accounts ng isang government official, lalo na kung matagal nang nasa serbisyo at taun-taong nagsusumite ng SALN.
Samantala, sinabi ni Cera na maaaring gamitin ng prosekusyon ang bank records ni Vice President Duterte upang masuri ang paggalaw ng kanyang mga pondo. Aniya, dati nang tinututulan ng depensa ang paggamit sa naturang records bilang ebidensya, kaya maaari itong maging mahalagang bahagi ng susunod na hakbang ng prosekusyon matapos ang naging pagtatanong kay Cabotaje-Tang.










