Mabigat ang naging testimonya ni Anti-Money Laundering Council Executive Director Atty. Ronel Buenaventura laban kay Vice President Sara Duterte sa ika-33 araw ng impeachment trial, ayon kay Constitutional Law Expert at Political Analyst Atty. Joseph Emmanuel Cera. Para kay Cera, naging makabuluhan ang mga impormasyong inilatag ng AMLC, kabilang ang mga transaksyong may kaugnayan sa ilang korporasyon at account.

Mahalaga rin aniya ang pagtalakay sa mga transaksyong una nang iniugnay ni dating senador Antonio Trillanes IV kay Samuel “Sammy” Uy. Nabanggit sa pagdinig ang isang umano’y deposito na may kaugnayan kay Uy, na dati nang iniugnay ni Trillanes sa sinasabing kontribusyon sa kampo ng bise presidente. Ayon kay Cera, dahil nauna nang lumutang ang naturang alegasyon, mas madaling naunawaan ng mga nakasubaybay sa pagdinig ang impormasyong inilahad ng testigo.

Batay sa testimonya ni Buenaventura, umabot sa ₱4.4 bilyon ang kabuuang halaga ng covered at suspicious transaction reports na kinasasangkutan nina Duterte at Atty. Manases “Mans” Carpio mula 2007 hanggang 2025. Sa halagang ito, ₱1.63 bilyon ang natukoy na inflows, ₱1.31 bilyon ang outflows, habang ₱1.46 bilyon ang hindi matukoy kung inflow o outflow dahil sa kulang, hindi kumpleto o hindi malinaw na impormasyon sa ilang transaksyon.

--Ads--

Inilarawan naman ni Cera si Buenaventura bilang maingat at propesyonal sa pagsagot sa mga tanong ng prosecution at defense panel. Samantala, kinuwestiyon ng depensa ang pagtestigo ng AMLC official batay sa confidentiality ng bank transactions at sa posibleng pananagutan sa paglalabas ng confidential information.

Gayunman, sinabi ni Cera na naging mahalaga ang pagpayag ng presiding officer na magpatuloy ang testimonya ni Buenaventura sa kabila ng mga pagtutol. Kaugnay naman ng mga dokumentong inilabas noon ni Trillanes, sinabi ni Cera na posibleng isinasaalang-alang ang confidentiality at posibleng criminal liability sa paggamit ng mga ito, dahilan upang piliin nitong talakayin ang mga impormasyon sa isang press conference.