Tinanggal na ng Department of Agriculture (DA) ang temporary ban sa Czech Republic domestic at wild pigs at kanilang mga produkto.
Ang kautusan, na inisyu kamakailan sa pamamagitan ng Department Circular 07, series of 2026, ay nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ang pork import ban ay ipinatupad noong 2022 dahil sa outbreak ng African swine fever (ASF) sa Czech Republic
Inalis ito kasunod ng mga ulat mula sa Czech Republic veterinary authorities sa World Organization for Animal Health (WOAH) na nagsasabing naresolba na ang mga kaso ng ASF at wala nang bagong outbreaks.
Ayon sa DA, batay sa mga pagsusuri, ang panganib ng kontaminasyon mula sa mga buhay na baboy, karne ng baboy, balat ng baboy, at semilya mula sa Czech Republic ay itinuturing na ngayong napakababa o halos wala na, at maaari nang ipagpatuloy ang pag-angkat ng nabanggit na mga produkto.
Ang kautusan ay epektibo 15 araw matapos na malathala sa website ng DA at ang paghahain nito sa Office of the National Administrative Register sa University of the Philippines Law Center.










