Sa pagpasok ng ikatlong araw ng School Year 2026-2027, iniulat ni Lito Senieto, Vice President ng National Parent-Teachers Association (NPTA), na sa pangkalahatan ay naging maayos ang pag-uumpisa ng klase sa tulong ng mga lokal na awtoridad na nagmamanage ng trapiko.

Sa kabila nito, nagpahayag ng seryosong pangamba ang organisasyon hinggil sa katatagan ng mga imprastraktura ng paaralan at ang mga bagong adjustment sa sistema ng edukasyon.

Binigyang-diin ni Senieto ang kahinaan ng ilang silid-aralan, partikular na ang mga itinayo sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) noong mga nakaraang administrasyon. Ayon sa kanya, ang ilang gusali na gawa sa yero at manipis na bakal ay gumagalaw pa kapag nagpapalitan lamang ng klase ang mga estudyante, at mabilis ding nasisira ang mga pasilidad tulad ng palikuran.

--Ads--

Dahil sa pinsalang dulot ng kamakailang lindol sa Mindanao, nanawagan ang NPTA para sa isang masusing inventory at inspeksyon ng mga gusali. Iginiit ni Senieto na dapat kasama ang mga stakeholders tulad ng PTA sa pag-inspeksyon ng mga bagong gawang gusali upang matiyak ang kalidad nito, dahil sa kasalukuyan ay tanging DPWH at mga contractor lamang ang may hawak nito.

Isa sa mga pinakamalaking pagbabago ngayong taon ay ang paglipat mula sa apat na quarters patungo sa three term system. Ayon kay Senieto, ang hakbang na ito ay mula sa rekomendasyon ng Kongreso at ipinatutupad na sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ng DepEd.

Gayunpaman, inamin ni Senieto na may malaking kakulangan sa mga aklat at opisyal na learning materials para sa bagong curriculum na ito. Dahil dito, maraming guro ang napipilitang mag-search na lamang para sa kanilang mga leksyon, na nagreresulta sa kawalan ng unipormeng ituturo sa mga mag-aaral.

Dahil sa mga nasirang silid-aralan sa Mindanao, inaasahang maaantala ang pag-aaral ng maraming bata dahil sa mabagal na proseso ng rekonstruksyon at paglalabas ng budget. Pinayuhan ni Senieto ang mga magulang at guro na manatiling mapagmatyag sa mga sakuna tulad ng lindol at maging handa sa malaking adjustment na dala ng bagong sistema ng semester.