Patay sa pamamaril ng pulisya ang lalaking pinaghihinalaang responsable sa umano’y “Islamist terror attack” sa Berlin Pride sa Germany.

Ayon sa mga awtoridad, binaril at napatay ng mga pulis si Abdul Ballout, isang 21-anyos na German citizen na may lahing Lebanese, matapos umano nitong sugurin ang mga operatiba gamit ang isang kutsilyo sa Spandau, isang distrito sa kanlurang bahagi ng Berlin.

Natapos sa insidenteng ito ang malawakang pagtugis ng mga awtoridad matapos ang pag-araro ng isang puting van sa isang grupo ng mga tao malapit sa Tiergarten Park bago mag-alas-10 ng gabi noong Sabado. Sa insidente, isang babae ang nasawi habang hindi bababa sa 29 na iba pa ang nasugatan.

--Ads--

Sinabi rin ng pulisya na matapos ang insidente ng pag-araro ng sasakyan, nagkaroon pa ng pananaksak na ikinasugat ng ilang katao.

Sa panayam noong Linggo, sinabi ni German Interior Minister Alexander Dobrindt na batay sa mga nakalap na ebidensya, itinuturing ng mga awtoridad ang insidente bilang isang “Islamist terror attack.”

Ayon kay Dobrindt, ang suspek ay dati nang nasangkot sa maraming kasong kriminal at napag-alamang nagkaroon ng kaugnayan sa mga grupong may ideolohiyang Islamist at dumaan sa proseso ng radicalization.

Samantala, naglabas din ng pahayag ang Berlin Public Prosecutor’s Office na naglalaman ng karagdagang detalye hinggil sa naging kasaysayan ng mga kasong kriminal ng suspek.