DagupaN City – Pinaigting ng Dagupan City Police Office (PNP) ang kanilang kampanya laban sa mga wanted person, patunay dito ang pagkakadakip sa isang suspek sa kasong qualified theft sa Baguio City.

Ayon kay PCol. Arnold Solomon, City Director ng Dagupan City Police Office, ang suspek, na isang minero na taga-Mangkayan, Benguet, ay matagal nang pinaghahanap matapos magpalabas ng warrant of arrest laban sa kanya noong Hunyo 2024.

Matapos makatanggap ng impormasyon na nagtatrabaho o bumibisita ang suspek sa Baguio City, agad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad.

--Ads--

Sinabi ni PCol. Solomon na ang suspek ay nahaharap sa kasong qualified theft, na karaniwang nangyayari kapag ang isang empleyado na pinagkakatiwalaan ay nagnakaw sa kanyang pinagtatrabahoan.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Dagupan City Police ang suspek para sa kaukulang proseso ng kanyang kaso.

Binigyang-diin ni PCol. Solomon na prayoridad ng Dagupan City Police Office ang paghuli sa mga wanted persons para masigurong ligtas ang lungsod. Sa bawat pag-aresto, nabibigyan umano ng hustisya ang mga biktima.

Nanawagan din ito sa mga may nakabinbing kaso na sumuko na habang maaga pa, upang hindi na humantong sa pagtugis at pagdakip sa kanila.