Kumpyansa ang Department of Justice na maiuuwi si former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa Pilipinas mula sa bansang Czech Republic.

Ayon mismo kay Justice Secretary Fredderick A. Vida, 99% aniya siya kasiguradong maibabalik ng bansa ang naturang puganteng dating mambabatas.

Subalit aminado siyang hindi maaring makapagbitaw ng ‘timetable’ o petsa kung kailan tiyak na magkakatotoo ang sinasabing pagbabalik ni former Cong. Zaldy Co.

--Ads--

Ayaw aniyang pangunahan ang ‘independence’ o gobyerno ng CZech Republic na may hawak sa hurisdiksyon ng dating kongresista sa kasalukuyan.

Si Justice Secretary Vida, kasama si Justice Chief State Counsel Dennis Chan ay nasa Czech Republic ngayon upang makipagpulong sa mga awtoridad o kinatawan ng nabanggit na bansa.

Layon sa kanilang pagbisita na magkaroon at magbukas ng pormal na dayalogo sa pagitan ng Pilipinas at bansa nang sa gayon ay mapag-usapan ang patungkol kay former Rep. Zaldy Co.

Prayoridad aniya ito ng kagawaran sapagkat nakatuon rin ang atensyon ng taumbayan sa susunod na mangyayari kung tuluyan maiuuwi na ang dating mambabatas.

Habang patungkol sa pangamba o posibilidad na mag-apply si Zaldy Co ng ‘asylum’, ayon sa kalihim ay titiyakin nilang mananalo pa rin ang pamahalaan at maibabalik ng bansa ito.

Inamin naman ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na wala pang kasiguraduhan na sa pag-uuwi ng kalihim at grupo sa Pilipinas ay kasama nila ang dating mambabatas.