Mayroong mataas na posibildiad na mabuo ang El Niño conditions sa pagitan ng Mayo at Hulyo ngayong taon, ayon sa pinakahuling ulat mula sa World Meteorological Organization (WMO).

Ang El Niño ay isang natural na phenomenon sa klima na nagdudulot ng matinding pag-init ng temperatura ng sea surface sa central at eastern Pacific Ocean. Nagreresulta ito sa mahinang hangin (trade winds), na nagpapabago sa normal na panahon sa mundo, tulad ng matagal na tagtuyot o kakulangan sa ulan.

Karaniwang nagtatagal ito sa pagitan ng siyam at labing-dalawang buwan.

--Ads--

Ayon sa WMO, bagamat nakikita sa climate models ang potensiyal na matinding El Niño event ngayong taon, sinabi ng ahensiya na kadalasang hindi masyadong reliable ang forecasts na ginawa noong spring at mas kumpiyansa sa ginawang prediksiyon na maaaring mangyari ito pagkatapos ng Abril.

Kilala aniya ang weather pattern na makakapag-antala sa mga klima sa rehiyon, kung saan posibleng magdala ito ng pagtaas ng mga pag-ulan sa southern South America, southern United States, ilang parte ng Horn of Africa at central Asia, habang magdudulot naman ito ng tagtuyot sa Australia, Indonesia at ilang parte ng southern Asia.

Mayroon din itong mainit na epekto sa pandaigdigang klima.

Dito naman sa Pilipinas, nagbabala ang PAGASA at iba pang ahensya tulad ng National Oceanic and Atmospheric Administration na may panganib na mauwi ito sa isang “Super El Niño” (very strong event) sa huling bahagi ng 2026.

Pinapayuhan ang publiko na magtipid ng tubig at mag-ingat sa tindi ng init ng araw habang patuloy na binabantayan ng mga eksperto ang sitwasyon.

Base sa huling datos ng state weather bureau ngayong Abril, mayroong 15 lalawigan sa Luzon ang nakaranas ng tagtuyot kabilang ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley Region at Central Luzon.

Sa pagtatapos ng Mayo, ibinabala ang paglawak pa ng mga lugar na makakaranas ng matinding tagtuyot kung saan maaaring madagdag ang Pampanga at Zambales.

Inaasahang makakaranas naman ng dry spell o hanggang 60% na bawas sa ulan ang Bataan, Cagayan at Metropolitan Manila.