DAGUPAN CITY- Bahagyang humupa ang tensiyon sa Israel matapos ang sunod-sunod na pag-atake sa mga nakaraang araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jay-C Cruz Aquino — Bombo International News Correspondent sa bansang Israel, mas tahimik na ang sitwasyon ngayon kumpara noong mga nakaraang araw kung kailan ramdam ng mga mamamayan ang matinding takot.

Aniya, hindi na rin umano ganoon kaalarma ang mga pangyayari dahil sa unti-unting paghina ng mga pag-atake.

--Ads--

Bukod sa mga tirahan, mayroon ding malalaking bomb shelters sa mga opisina at paaralan upang magsilbing proteksyon ng mga sibilyan sakaling magkaroon ng biglaang pag-atake mula sa labas.

Iniulat rin na ang mga Pilipinong humihiling ng repatriation o pagbalik sa Pilipinas ay mga OFW na nakatira malapit sa mga conflict zones kung saan madalas nagaganap ang mga pag-atake.

May ilang Pilipino rin ang nakipag-ugnayan na sa kanilang mga employer upang ayusin ang kanilang pagbabalik sa bansa.

Samantala, nagpahayag din nag-aalala ang mga kaanak ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Israel dahil sa mga balitang lumalabas kaugnay ng kaguluhan.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng mga kinauukulang ahensya upang masigurong ligtas ang mga Pilipino sa naturang lugar.