DAGUPAN CITY- Kinondena ng Bantay Bigas ang palagiang pagbuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga komite subalit hindi naman nakikitaan ng pagbabago sa nararanasang problema ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, Spokeperson ng Bantay Bigas, ang pagbubuo ng food security task force ay pagtanggal lamang ng pangulo sa responsibilidad nitong resolbahin ang krisis sa bansa.
Kaniyang sinisisi ang pagiging import dependent ng bansa sa mga pangunahing pangangailangan at may banta ito sa nararanasang sigalot sa Middle East, dahilan upang tumindi ang suliranin ng Pilipinas sa seguridad ng pagkain.
Giit niya, patuloy man pinagmamalaki ng gobyerno ang pagkakaroon ng sapat ng stocks subalit, ang namamahala naman nito ay ang mga miller at importers.
Napupunta naman sa Kadiwa Centers ang buffer stocks ng gobyerno at kinakailangan pang pumila ng mga nasa laylayan ng lipunan para sa P20/kilo ng bigas.
Nananawagan si Estavillo sa gobyerno na bawiin ang pagbawal sa National Food Security (NFA) sa pag-regulate ng presyo sa bigas.
Habang nananawagan din siya sa sambayanang Pilipino na magkaisang kondenahin ang pananahimik ng gobyernong Marcos sa nangyayaring giyera sa Middle East na labis nakakaapekto sa pamumuhay ng mga ordinaryong mamamayan.









