DAGUPAN CITY—Patuloy na naririnig ang sunod-sunod na sirena at malalakas na pagsabog sa lungsod ng Hadera, ayon kay Shay Kabayan sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Ayon kay Kabayan, patuloy ang mga babala at paalala ng Philippine Embassy sa Israel sa mga Pilipino na sundin ang mga alituntunin ng Israel Defense Forces (IDF) at ng pamahalaan ng Israel upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ipinaliwanag din niya na bagama’t may Iron Dome defense system ang Israel, wala pa ring 100 porsiyentong garantiya na masasalo nito ang lahat ng mga missile na pinapaputok mula sa Iran at ng grupong Hezbollah. Dahil dito, binigyang-diin niya na dapat seryosohin ng mga residente ang mga babala at agad na lumipat sa mga bomb shelter kapag may alerto.
Gayunman, pinuri ni Kabayan ang depensa ng Israel dahil malaki ang naitutulong nito upang malimitahan ang bilang ng mga nasasaktan o nasasawi sa gitna ng mga pag-atake.
Sa usapin naman ng repatriation, sinabi niyang nakapagpauwi na ang embahada ng ilang Pilipino na nais bumalik ng Pilipinas sa pamamagitan ng land transportation patungong border ng Egypt. Ngunit aminado siyang limitado pa rin ang mga opsyon at ruta ng transportasyon para sa mga nais magpa-repatriate, kahit may ilan pang OFW na gustong makauwi para sa kanilang kaligtasan.
Sa kabila nito, sinabi ni Kabayan na wala siyang planong magpa-repatriate at nananatili siyang kumpiyansa sa paraan ng paghawak ng Israel sa kasalukuyang sitwasyon.
Tugon naman sa mga nagsasabing maaaring hindi kayanin ng Israel ang tuluy-tuloy na pag-atake, sinabi ni Kabayan na ayon sa pahayag ng Israel Defense Forces, handa ang militar na harapin ang anumang pag-atake at gagamitin ang buong kakayahan ng kanilang depensa upang ipagtanggol ang teritoryo.
Sa huli, nanawagan siya ng dasal at suporta para sa mga OFW na kasalukuyang naipit sa gitna ng digmaan sa Middle East.










