Malaking bagay ang naging pagtalakay ng mga dating mahistrado ng Supreme Court sa usapin ng voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, matapos magbigay ng kanilang legal na pananaw ang apat na retiradong justices na nagsilbing amici curiae. Kabilang sa kanilang pinagtuunan ng pansin ang interpretasyon sa probisyong nangangailangan ng two-thirds vote para sa conviction.
Ayon kay Constitutional Law Expert at Political Analyst Atty. Joseph Emmanuel Cera, bagama’t mahalaga ang mga legal na opinyong inilahad ng mga dating chief justice, hindi nangangahulugang awtomatikong susundin ito ng mga senator-judge. Aniya, nananatiling nasa Senate impeachment court ang kapangyarihang magpasya kung mananatili ang dating ruling na 16 na boto o gagamit ng ibang paraan ng pagkukuwenta batay sa aktuwal na bilang ng mga senador na legal at pisikal na lumalahok sa paglilitis.
Para kay Cera, mas praktikal ang interpretasyong nagsasabing ang bilang ng kinakailangang boto ay maaaring ibatay sa mga senator-judge na aktuwal na lumahok sa impeachment proceedings. Sa kasalukuyan, may mga senador na hindi nakadadalo sa paglilitis, dahilan upang kuwestiyunin kung dapat bang manatiling 24 ang denominator sa pagkukuwenta ng two-thirds vote. Ang ganitong pananaw ay kaayon ng posisyon nina dating Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno, bagama’t may ibang pananaw si retired Associate Justice Adolfo Azcuna na dapat manatili ang lahat ng kasalukuyang miyembro ng Senado bilang basehan.
Giit ni Cera, ang susunod na mahalagang hakbang ay ang pagdedesisyon ng impeachment court kung babaguhin ang umiiral na ruling sa voting threshold. Kung gagamitin ang two-thirds ng 20 senator-judges na maaaring lumahok, magiging 14 ang kinakailangang boto; ngunit hindi pa ito ang pinal na tuntunin dahil kailangan muna itong pagpasiyahan ng Senate impeachment court. Ang usapin ay nakasentro ngayon sa kung mananatili ang 16 na boto mula sa 24 na senador o gagamit ng ibang constitutional interpretation sa pagtukoy ng kinakailangang bilang ng boto para sa conviction.
Dagdag pa ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, mas mainam na sa ngayon pa lamang ay pagdesisyunan na ng Senate impeachment court ang magiging voting threshold, lalo’t natapos na ang paglalahad ng ebidensya ng parehong prosekusyon at depensa. Aniya, kailangan lamang ng simple majority upang mapalitan ang umiiral na rules ng impeachment court.
Ayon kay Cera, kung titingnan mula sa panig ng prosekusyon, maaari itong maging indikasyon ng kumpiyansa sa kanilang kaso, ngunit hindi nangangahulugang lahat ng naging argumento nito ay awtomatikong magbibigay ng puntos laban sa depensa.
Giit niya, hindi rin dapat maliitin ang depensa dahil bagama’t nakatanggap ito ng ilang puna at kritisismo sa mga naging argumento nito, mayroon pa rin itong mga pagkakataong nakapaglahad ng mga punto na maaaring isaalang-alang ng mga senator-judge sa kanilang magiging desisyon.










