Sinita ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang abogado ni Vice President Sara Duterte dahil sa naging pahayag nito tungkol sa Bar examination rating ng Bise Presidente.
Nangyari ito sa pagpapatuloy ng impeachment trial habang nagsasagawa ng cross-examination ang defense counsel na si Atty. Mark Vinluan kay NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc, na tumatayong testigo ng House prosecution panel.
Sa pagtatanong, binanggit ni Vinluan na isang mahusay na abogado si Vice President Duterte at nakapasa sa Bar Exam sa unang pagkakataon na may 80 porsiyentong marka.
Mas mataas umano ang naging grado ng Bise Presidente kaysa sa karamihan ng mga abogadong nasa impeachment court.
Agad namang nag-object ang miyembro ng House prosecution panel na si Atty. Amando Virgil Ligutan at sinabing walang kaugnayan ang naturang pahayag sa isyung tinatalakay sa pagdinig.
Sumang-ayon si Escudero at pinaalalahanan si Vinluan na iwasan ang mga pahayag na maaaring makainsulto sa ibang mga abogadong nasa korte.
Ayon kay Escudero, marami ring abogado sa loob ng impeachment court at wala umanong nakaaalam na may mataas na grade sa Bar examinations.










