DAGUPAN, CITY- Matinding selos at pagdududa ang sanhi ng pananaksak at paggilit sa leeg ng suspek sa kanyang live-in sa sa Sitio Guesang, Brgy. Domalandan West, sa bayan ng Lingayen.
Ayon kay PMaj. Ria Tacderan, Information Office ng Pangasinan PPO, may alegasyon ng pagdududa at selos ang suspek na si Robert Rod Navarro matapos na ang asawa nitong biktima na si Jeniffer Ingalla ay hindi niya naaabutan sa bahay tuwing siya ay uuwi sa kanilang bahay galing sa kanyang trabaho.
Aniya, inakala ng suspek na ang biktima ay madalas na umalis ng kanilang bahay dahil may ibang lalaki itong kinakasama, ngunit taliwas naman umano sa pahayag ng kanilang mga kapitbahay na responsable at mapagmahal na ina ang biktima sa kanilang tahanan.
Ang rason umano ng pag-alis ng biktima sa kanilang bahay ay dahil sa laging pag-iinom ng alak ng suspek na nagiging bayolente sa sandaling ito ay nasa impluwesiya ng alak.
Katunayan, hindi na lamang ito ang unang beses ng kanilang pagtatalo dahil napaulat na rin na naghain ng blotter ang biktima sa mga pulis dahil sa pananakit ng kanyang kinakasama.
Pinatawad lamang umano niya ang suspek at muling nagsama kasama ng kanilang limang mga anak na pawang mga menor de edad.
Ngunit pagkaraan ng mas matinding pagtatalo sa araw ng insidente, dito na umano ginawa ng suspek ang pagkitil sa buhay ng kanyang kinakasama na nasaksihan mismo ng kanilang 11 taong gulang na anak
Matatandaang gumamit ang suspek ng kitchen knife na may habang 6 to 8 inches sa pang-gigilit at pananaksak sa biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito. kung saan itinakbo pa sa Lingayen District Hospital ang biktima subalit kaagad din itong idineklarang dead on arrival.