Patay ang isang security guard matapos na mabangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa Urdaneta City, Pangasinan.

Papunta na sana sa kanyang trabaho ang biktimang si Raul Obra ng maaksidente sa Manila North Road sa Brgy San Vicente sa nabanggit na siyudad.

Ayon sa mga otoridad, binabagtas ni Obra ang kahabaan ng national hi-way nang biglang dumating ang isang tricycle at nag U-turn sa gitna mismo ng daan.

--Ads--

Naging malakas umano ang impak ng banggaan dahilan upang tumilapon ang biktima.

Bagama’t nakasuot naman ng helmet si Obra, nagtamo umano ito ng matinding sugat sa kanyang dibdib at pribadong bahagi ng kanyang katawan na siyang naging rason ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, nagtamo din ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang driver ng tricycle na kasalukuyan pa ring nasa pagamutan.

Patuloy naman ang paalala sa publiko ng pulisya lalo na sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho sa lahat ng oras.