Nagpapatuloy ang second phase ng Flood Control Project sa Barangay Lasip Chico, sa lungsod ng Dagupan na may pondong mahigit 96 Million pesos.
Isang taon na simula nang isagawa ang flood control project sa nasabing barangay bilang tugon sa patuloy na problema ng mga residente sa pagtaas ng tubig sa kanilang mga kabahayan.
Ayon kay Brgy Captain Aldwin Dexter Meneses, sa ngayon ay wala naman umano silang nakikitang problema sa implementasyon ng proyekto.
Nilinaw din niya na walang lokal intervention ang barangay sa pagpapatupad dahil ang Department of Public Works and Highways ang nanguna sa proyekto.
Matatandaan na inumpisahan ang konstruksyon noong unang quarter ng nakaraang taon na nasa mahigit 96 milyon pesos na pondo para sa unang phase nito.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang second phase upang mas mapalawak pa ang saklaw ng proteksyon laban sa pagbaha.
Batay sa pagsusuri ng barangay, hindi kabilang sa mga tinatawag na ghost project ang naturang flood control effort dahil ramdam na ang benepisyo nito sa mga residente kahit hindi pa ito ganap na natatapos.