Nanawagan ng agarang imbestigasyon ang Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), kasunod ng pagkakadiskubre ng tambak na plastik na basura sa baybayin ng Binmaley.
Ayon kay Chritopher Aldo Sibayan ang Presidente ng nasabing grupo, unang nadiskubre ang mga basurang plastik kabilang ang mga pinagtabasan ng feeds ng isang miyembro ng kanilang samahan habang naglalakad sa dalampasigan.
Agad umano itong naitala at naibahagi sa publiko, na nagbunsod ng agarang aksyon mula sa kanilang grupo.
Matapos ang insidente, kaagad nakipag-ugnayan ang SAMAPA sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kabilang ang provincial at regional offices nito. Sa tulong din ng lokal na pamahalaan at ng gobernador ng lalawigan, mabilis na naisagawa ang paglilinis sa apektadong lugar.
Nagpasalamat si Sibayan sa koordinasyon ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang lokal na pamahalaan ng Binmaley, na tumulong upang maiwasan ang mas malawak na pinsala sa ekosistema.
Binigyang-diin ni Sibayan na kung hindi agad nalinis ang mga basurang ito, maaari itong magdulot ng seryosong epekto sa marine ecosystem, lalo na’t kasalukuyang panahon ng masaganang pangingisda.
Inihayag din ng SAMAPA na magsusumite sila ng pormal na kahilingan para sa imbestigasyon upang matukoy kung saan nagmula ang mga naturang basura.
Makikipag-ugnayan ang grupo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Office of the Provincial Agriculture upang alamin kung sino ang responsable sa ilegal na pagtatapon.
Sa huli, nanawagan si Sibayan sa publiko at sa mga industriya na maging responsable sa pagtatapon ng basura, lalo na ang mga materyales na may kinalaman sa produksyon ng feeds.










