Dagupan City – Nagdaos ng symposium hinggil sa Safe Spaces Act at drug awareness ang Bayambang Municipal Police Station sa Barangay Caturay, Bayambang, Pangasinan, na dinaluhan ng mga kabataan at miyembro ng Sangguniang Kabataan ng nasabing barangay.
Tinalakay sa unang bahagi ng programa ang mahahalagang probisyon ng Republic Act 11313 o Safe Spaces Act, na mas kilala bilang Bawal Bastos Law.
Binigyang-diin ng tagapagsalita ang kahalagahan ng paglikha ng ligtas at magalang na kapaligiran para sa lahat, lalo na sa kababaihan at kabataan, at ang pananagutan ng bawat isa sa pagpigil sa anumang uri ng gender-based harassment sa komunidad at maging sa online platforms.
Sumunod namang tinalakay ang drug awareness kung saan ipinaliwanag ang mahahalagang punto ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ipinaalala sa mga kalahok ang masasamang epekto ng ilegal na droga sa kalusugan, pamilya, at kinabukasan ng kabataan, gayundin ang umiiral na mga batas at parusa laban sa paggamit at pagbebenta nito.










