Nagpatupad ng quarantine at medical monitoring ang mga awtoridad sa ilang indibidwal sa Siberia, Russia, matapos mamatay ang isang 28-anyos na laboratory worker dahil sa pneumonia na hindi pa matukoy ang eksaktong sanhi.
Iniulat na nagtatrabaho ang babae sa isang anti-plague research institute, kaya lumutang ang posibilidad na pneumonic plague ang sanhi ng kaniyang pagkamatay. Gayunman, sinabi ng Russian health authorities na walang nakitang plague microorganism sa kaniyang katawan.
Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang mga taong nakasalamuha ng nasabing laboratory worker, ngunit wala pang naitatalang bagong kaso ng plague sa mga ito.
Ayon sa mga health expert, mababa pa rin ang panganib sa pangkalahatang publiko habang patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng pagkamatay at minomonitor ang mga posibleng nakasalamuha ng biktima.










