Pinayagan ng Sandiganbayan third division si dating House speaker Martin Romualdez na dumalo sa kanyang arraignment at pre-trial hearing sa Miyerkules sa pamamagitan ng videoconference mula sa Quezon City jail-male dormitory sa Payatas.
Inaprubahan ng korte ang urgent motion ng kampo ni Romualdez at inatasan ang Quezon City Jail na maglaan ng kinakailangang pasilidad, serbisyo at technical equipment para sa videoconference.
Inatasan din ng korte ang division Clerk of Court na personal na basahin kay Romualdez ang mga kasong nakasaad sa information sa loob mismo ng detention facility.
Isang assisting counsel ni Romualdez at isang miyembro ng prosecution panel ang maaaring dumalo nang personal sa jail facility, habang ang iba pang abogado at prosecutors ay kailangang NASA sandiganbayan courtroom.
Naaresto si Romualdez noong Setyembre 7 matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan kaugnay ng P7.4-bilyong plunder case na isinampa ng Ombudsman.
Mula sa Cardinal Santos Medical center, inilipat siya sa UP-Philippine General Hospital para sa independent medical examination bago dinala sa QC jail noong Lunes.
Sa ngayon, nasa infirmary ward si Romualdez at mananatili roon habang kinakailangan ang medical supervision.
Ayon sa mga awtoridad, nakadepende sa kanilang medical evaluation kung kailan siya ililipat sa regular na selda.










