
Inamin ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong na hindi na siya umaasang personal na dadalo si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial sa Senado upang ipaliwanag ang mga alegasyon ng unexplained wealth.
Ayon kay Adiong, tagapagsalita ng House prosecution panel, hindi pa rin nagpapakita ng indikasyon ang bise presidente na nais nitong sagutin sa impeachment court ang mga kwestyon sa kanyang yaman.
Nauna nang iniharap ng prosekusyon si forensic analyst Alexander Cabrera, na tumukoy sa umano’y P817.87 milyong hindi idineklarang assets at unexplained wealth na may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawang si Manases “Mans” Carpio mula 2022 hanggang 2025. Nakabatay ang pagsusuri sa bank records, tax returns, declarations of assets at corporate documents.
Itinanggi ni Duterte ang anumang pagkakamali, habang kinuwestiyon naman ng kanyang mga abogado ang ebidensyang pinansyal ng prosekusyon. Nakatakdang magpatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 9, kung kailan sisimulan ng depensa ang paglalahad ng mga kontra-ebidensya sa Article II na natitira sa impeachment complaint.







