DAGUPAN CITY—Nagbahagi ng kanyang sitwasyon si Mark Paul Rubio, isang onion grower mula sa Nueva Ecija sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan—isang salaysay na sumasalamin sa lumalalang problema ng mga magsasaka ng sibuyas sa gitna ng pagdagsa ng imported na produkto.
Ayon sa kanya, totoo ang pahayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG; na dahil sa dami ng imported na sibuyas na pumasok sa bansa, patuloy na bumababa ang farmgate price ng lokal na sibuyas. Ramdam na ramdam ito sa kanilang lugar sa Bongabon, na kilalang sentro ng produksyon ng sibuyas.
Simula pa noong unang bahagi ng Enero, nang ilabas sa merkado ang mga imported na sibuyas, unti-unti nang bumagsak ang presyo ng lokal na ani. Ngayon, kasabay ng panahon ng anihan sa kanilang lugar, lalong nakapanghihina ng loob ang presyong ibinibigay sa kanilang produkto.
Sa kasalukuyan, nasa P31 hanggang P33 kada kilo lamang ang puting sibuyas, habang ang pulang sibuyas ay P35 hanggang P40 kada kilo, depende sa kalidad. Para sa mga magsasaka, malinaw na kulang ang halagang ito upang matugunan ang kanilang gastusin at pangangailangan. Dahil dito, napipilitan silang ibaba pa ang presyo para lamang maibenta ang kanilang ani.
Umaasa naman ang mga magsasaka na aaksyon ang pamahalaan upang maitaas ang farmgate price ng sibuyas sa P50 kada kilo.
Naniniwala siyang isa sa mga dahilan kung bakit mas pinipili ng mga mamimili ang imported na sibuyas ay ang mas mababang presyo nito. Sa pinakasimpleng prinsipyo ng bentahan at kalakalan, kapag mas mura ang produkto, mas mataas ang demand. Ito mismo ang nangyayari ngayon sa imported na sibuyas sa bansa.
Ngunit para sa mga lokal na magsasaka, mabigat ang epekto nito. Kung walang bibili ng kanilang ani, wala silang sapat na puhunan upang makapagtanim muli. Dahil marami sa kanila ang nalulugi, ang pagtatanim ng panibagong batch ng sibuyas sa gitna ng patuloy na pagpasok ng imported na produkto ay hindi na praktikal na desisyon.
Muli ring iginiit ni Rubio na dapat sana ay itinigil na ang importasyon ng sibuyas noong Disyembre ng nakaraang taon upang mabigyan ng puwang sa merkado ang lokal na ani.
Hanggang ngayon, aniya, wala pang konkretong hakbang mula sa Food Terminal Inc. (FTI) kaugnay sa pahayag nitong bibili sila ng lokal na sibuyas mula sa mga magsasaka. Kaya naman ang tanong niya: Kailan sila kikilos?










