DAGUPAN CITY- Isinagawa ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) ang isang pre-bidding conference para sa dalawang malalaking proyekto sa bayan ng Bayambang na bahagi ng Philippine Rural Development Project Scale-up ng Department of Agriculture.

Ang mga proyekto, na pinondohan ng mga grant mula sa Department of Agriculture at World Bank, ay para sa pagpapagawa ng San Gabriel II-Pantol Farm-to-Market Road at ang pagtatayo ng Bayambang Onion Cold Storage sa Nalsian Norte.

Ang mga proyektong ito ay naglalayong mapabilis ang transportasyon ng mga produkto mula sa mga magsasaka, partikular ang mga nagtatanim ng sibuyas, at magbigay ng mas maayos na pasilidad para sa imbakan ng kanilang ani.

--Ads--

Sa nasabing conference, ipinaliwanag ng mga miyembro ng SBAC ang mga teknikal na detalye at kinakailangang dokumento para sa mga bidders, pati na rin ang mga pamantayan sa proseso ng bidding.

Ang unang proyekto, na nagkakahalaga ng PhP319,180,000, ay inaasahang matatapos sa loob ng 715 days, at ang opisyal na bidding ay itinakda sa April 14, 2025.

Ang pangalawang proyekto, na may halagang PhP246,015,000, ay inaasahang matatapos sa loob ng 468 araw at magkakaroon ng bidding sa April 7, 2025.