Naniniwala si Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na maaaring makumpleto ng House Committee on Justice ngayong Abril ang probable cause stage ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Flores, kapag natapos ang proseso, maaari na itong iakyat sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso.
Kasalukuyang tinutukoy ng komite kung may sapat na probable cause, matapos mapatunayang may sapat na porma, laman, at batayan ang reklamo.
May nakatakdang pagdinig sa Abril 14, 22, at 29, ngunit posibleng mapaaga depende sa takbo ng imbestigasyon.
Binigyang-diin ni Flores na hindi pa ito paglilitis kundi isang paunang imbestigasyon upang suriin ang ebidensya at mga testigo.
Isa sa sinusuring testigo ay si Ramil Madriaga na iniuugnay sa umano’y isyu sa confidential funds.
Tinitimbang pa ng komite ang kredibilidad ng kanyang testimonya.
Dagdag pa ni Flores, layunin ng mga pagdinig na matiyak na tanging mga mapapatunayang alegasyon lamang ang maisasama sa posibleng articles of impeachment.










