Iminungkahi ng ilang senador na ilagay sa tatlong buwang probation ang Roblox matapos itong maiugnay sa hindi bababa sa dalawang insidente ng school shootings sa bansa.

Batay sa ulat, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na isang Grade 10 student sa Marikina ang nagdala ng baril ng kanyang ama sa paaralan nito at aksidenteng nabaril ang kaklase, na kalaunan ay namatay.

Ayon sa pulisya, posibleng naimpluwensyahan ang estudyante ng nilalaro niyang Roblox at mga nakitang content na may kaugnayan sa karahasan.

--Ads--

Isang katulad na insidente rin ang naitala sa Batangas kung saan isang Grade 12 student ang nagpaputok ng baril sa loob ng classroom bago binaril ang sarili na kalaunan ay nasawi rin matapos dalhin sa ospital.

Lumalabas sa imbestigasyon na maaari rin siyang na-groom online bago ang naturang insidente.

Bukod dito, napigilan din ng mga awtoridad ang planong mass shooting ng ilang kabataan sa Laguna noong Enero. Ayon sa PNP, nakausap umano ng mga kabataan ang ilang indibidwal sa Roblox na nag-udyok sa kanila na magsagawa ng karahasan.

Natuklasan sa kanilang mga chat sa Facebook Messenger ang plano, kabilang ang paggamit ng improvised explosive devices at pag-idolo sa mga mass shooters sa ibang bansa.

Ayon sa mga awtoridad, target ng mga groomer ang mga kabataang naghahanap ng pagkakakilanlan at pakikipagkaibigan, at kalaunan ay hinihikayat na lumipat sa ibang messaging platforms upang turuan ng karahasan.

Samantala, kinumpirma ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na may kahinaan pa rin sa safety measures ng Roblox, partikular sa age verification system nito. Ayon sa ahensya, may mga kaso ng matatandang gumagamit na nakakapasok sa accounts ng mga bata upang makipag-ugnayan sa mga menor de edad.

Sa panig ng Roblox, sinabi ng kanilang kinatawan na pinalakas na nila ang kanilang safety features, kabilang ang mas mahigpit na parental controls at limitadong chat functions depende sa edad ng user. Gayunpaman, iginiit ng mga mambabatas na hindi pa ito sapat.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, maaaring ipatupad ang tuluyang pag-ban sa platform kung hindi ito makakasunod sa mga hinihinging reporma sa loob ng probation period.

Pinag-aaralan din ng Senado ang pananagutan ng Facebook, na may-ari ng Messenger, kung saan umano inililipat ang komunikasyon ng mga kabataan at mga groomer.

Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Roblox sa mga awtoridad habang hinihintay ang susunod na hakbang ng Senado hinggil sa posibleng regulasyon o pagbabawal sa nasabing online platform.