DAGUPAN CITY- Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Malasiqui ang suspek sa JRL Investment scam matapos ang masusing monitoring at koordinasyon ng intelligence unit ng himpilan.
Ayon kay PLtCol. Francisco A. Sawadan Jr., Chief of Police ng PNP Malasiqui, matagal nang minamanmanan ng pulisya ang galaw ni Joshua Rosario Layacan sa kanilang nasasakupan.
Namataan ang suspek habang nagtutungo sa kanyang abogado sa Malasiqui, kung saan patuloy ang isinagawang surveillance upang matiyak ang kanyang kinaroroonan.
Noong Enero 6, matagumpay na naisilbi ng PNP Malasiqui ang electronic warrant of arrest laban sa suspek sa Malasiqui, Pangasinan.
Agad na ikinilos ng intelligence operatives ang operasyon nang makumpirma ang positibong warrant laban kay Layacan.
Batay sa rekord ng pulisya, si Layacan ay nahaharap sa syndicated estafa kaugnay ng JRL Investment scam.
Ang naturang kaso ay itinuturing na non-bailable, na nagpapakita ng bigat ng mga paratang laban sa kanya.
Patuloy ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy kung may iba pang indibidwal na sangkot sa naturang investment scam at upang matulungan ang mga biktima na makamit ang hustisya.
Muling pinaalalahanan ng PNP Malasiqui ang publiko na maging mapanuri sa mga investment schemes at agad na makipag-ugnayan sa awtoridad kung may kahina-hinalang alok na pamumuhunan.










