Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan ng Pilipinas sa ilang Russian oil firms para sa posibleng pagbili ng krudo sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company (PNOC) at ilang lokal na kumpanya, ayon sa Department of Energy (DOE).
Sinabi ni DOE Secretary Sharon Garin na kasalukuyang isinasagawa ang mga pag-uusap upang tuklasin ang posibilidad ng pagpasok sa mga kasunduan sa pagbili ng langis mula sa Russia.
Layunin nitong matiyak ang sapat at mas matatag na suplay ng krudo para sa bansa sa gitna ng pabagu-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Garin, ang Philippine National Oil Company (PNOC), kasama ang ilang lokal na energy players, ang nangunguna sa pakikipag-ugnayan sa mga Russian companies upang pag-aralan ang mga posibleng terms ng pagbili ng krudo.
Bukod sa Russia, nakikipag-ugnayan din ang Pilipinas sa iba pang bansa tulad ng Japan, Singapore, at South Korea para sa posibleng purchase agreements na magbibigay ng alternatibong mapagkukunan ng suplay ng langis.










