Dagupan City – Nilinaw ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 na walang koneksyon ang mga natagpuang bulto-bultong ilegal na droga sa mga bayan ng Bugallon at Labrador sa lalawigan ng Pangasinan sa mga naunang ulat na palutang-lutang na shabu na narekober sa karagatan ng lalawigan.

Matatandaan na nakarekober ng 28 sako ng umano’y shabu mula sa karagatan ng Agno, Bani at Bolinao ang mga mangingisda sa lalawigan na umaabot sa halagang halos P4 billion.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Benjamin Gaspi, direktor ng PDEA Region 1, sinabi niyang batay sa imbestigasyon, ang mga drogang narekober kasi sa Bugallon at Labrador ay malinaw na mula sa ibang bansa base na rin sa uri ng packaging.

--Ads--

Ipinaliwanag din ni Gaspi na lumalabas kasi sa imbestigasyon na hindi praktikal gamitin ang eroplano sa paglipat ng ganoong kalaking halaga ng droga kaya posibleng ginamit ng mga sindikato ang dagat bilang ruta.

Dahil dito, isa sa mga tinututukan ngayon ng ahensya ay kung sino ang mga personalidad na maaaring sangkot at nagbibigay proteksyon sa mga sindikatong ito.

Isa sa mga nakitang posibleng pagkukulang kasi ni Gaspi ay ang limitadong tauhan ng Seaport Interdiction Unit sa lalawigan na may tatlo hanggang apat lamang na personnel, dahilan upang maging mas mahirap ang pagbabantay sa mga pantalan.

Sa kabila nito, tiniyak ng PDEA na patuloy ang kanilang koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies upang mas paigtingin ang kampanya kontra ilegal na droga.

Nilinaw din ng PDEA na batay sa kanilang imbestigasyon, ang mga nakumpiskang droga ay hindi naman para sa merkado ng Pangasinan kundi para umano sa Cordillera Administrative Region na tinatayang nasa 40 hanggang 50 kilo ng shabu ang narekober sa naturang operasyon.

Nanawagan din si Gaspi sa publiko na maging mapagmatyag at agad ireport sa kanilang tanggapan ang anumang kahina-hinalang kilos o aktibidad sa kanilang mga lugar.

Tiniyak din ng ahensya na mananatiling kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng mga magbibigay ng impormasyon.