Dagupan City – Inilahad ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) ang sunod-sunod na aktibidad at programa para sa unang quarter ng 2026 bilang bahagi ng kalendaryo ng mga kaganapan at patuloy na pagpapaunlad ng turismo sa lalawigan.
Ayon kay Maria Luisa Amor-Elduayan, PTCAO Department Head, sisimulan ang taon sa pagdiriwang ng National Arts Month tuwing Pebrero, kung saan maglulunsad ng panibagong exhibit ang Banaan Provincial Museum sa Casa Real bilang bahagi ng adbokasiya sa sining at kultura ng Pangasinan.
Kasabay nito ang pagsisimula ng Agew na Pangasinan sa April 5, at susundan ng mga aktibidad para sa Pistay Dayat. Mula Pebrero hanggang sa mga susunod na buwan, isasagawa ang iba’t ibang event na magsisilbing paghahanda at pagpapatuloy ng selebrasyon para sa dalawang mahahalagang okasyon ng lalawigan.
Bukod sa mga festival at cultural events, patuloy rin ang pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa tourism product development.
Kabilang dito ang pakikipagtulungan ng PTCAO sa pribadong sektor, gaya ng Slow Food Pangasinan Movement, na layong paunlarin at itaguyod ang lokal na pagkain bilang mahalagang bahagi ng tourism identity ng lalawigan.
Isinasagawa rin ang iba pang mga programa katuwang ang Department of Tourism upang higit pang mapaigting ang promosyon at pagpapaunlad ng iba’t ibang tourist destinations sa Pangasinan.
Magpapatuloy rin ang mga regular na aktibidad ng tanggapan habang hinihintay ang nalalapit na inagurasyon ng tourist rest area, na inaasahang maisasagawa sa unang quarter ng taon.
Target ding mailunsad ang reflecting pool bilang bahagi ng mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng Agew na Pangasinan.
Sa kabuuan, layunin ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office na mapalakas ang turismo ng lalawigan sa pamamagitan ng balanseng pagdiriwang ng kultura, pagpapaunlad ng produkto, at promosyon ng mga destinasyong Pangasinense.










