Naglabas ng mahalagang paalala ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) hinggil sa mga probisyon ng Anti-Violence Against Women and Their Children (Anti-VAWC) Act, partikular na ang pagtuon sa sexual violence.
Layunin ng paalala na bigyang-diin ang iba’t ibang uri ng sekswal na karahasan laban sa kababaihan at kanilang mga anak upang palakasin ang proteksyon ng mga biktima at itaguyod ang hustisya.
Ayon sa PPO, ang sexual violence ay tumutukoy sa mga kilos na may sekswal na kalikasan, na seryosong lumalabag sa karapatan at dignidad ng isang tao.
Kabilang dito ang panggagahasa, sexual harassment, at mga gawaing kalaswaan.
Mahalaga ring maunawaan na pasok sa saklaw ng sexual violence ang pagpapagawa o pagtatangka sa babae o sa kanyang anak ng mga sekswal na gawain na hindi umabot sa antas ng panggagahasa.
Idiniin din ng PPO na ang pagpo-prostitute sa babae o sa kanyang anak ay isang malinaw na anyo ng sexual violence na mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Samantala, ang pagpapakalat ng kaalaman tungkol sa mga detalyeng ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng kapulisan upang masiguro na batid ng publiko ang kanilang mga karapatan at kung paano protektahan ang kanilang sarili laban sa ganitong uri ng pang-aabuso.
Hinihikayat ng Pangasinan PPO ang sinumang biktima o nakasaksi ng sexual violence na huwag mag-atubiling lumapit sa kanilang tanggapan o sa Women and Children Protection Desk (WCPD) para sa agarang tulong at aksyon.
Mahalaga ang pagtutulungan ng komunidad at awtoridad upang tuluyan nang masugpo ang anumang uri ng karahasan laban sa kababaihan at kanilang mga anak.










