Pormal nang inihain sa Sangguniang Panlalawigan ang Proposed Provincial Ordinance No. 58-2026 na naglalayong italaga at kilalanin ang buong Capitol Complex bilang “Capitol Estate,” isang hakbang upang pag-isahin ang pamamahala at pagpapaunlad ng mga pangunahing pasilidad ng pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Lambino, ang panukala ay nagtatakda ng malinaw na depinisyon at saklaw ng tinaguriang Capitol Estate, na magsisilbing kabuuang termino para sa komunidad ng mga gusali at pasilidad na nagbibigay ng iba’t ibang serbisyong panlalawigan.

Saklaw ng itatatag na Capitol Estate ang mga umiiral at isinasagawang development projects ng kasalukuyang administrasyon sa loob ng Capitol Complex sa Lingayen.

--Ads--

Kabilang dito ang mga pangunahing istruktura gaya ng Capitol Park, Malong at Palaris Buildings, Capitol Hotel, Pangasinan Polytechnic College, Urduja House, at ang Narciso Ramos Sports and Civic Center.

Layunin ng ordinansa na gawing mas sistematiko ang administrasyon, regulasyon, at pagpapaunlad ng nasabing lugar, kabilang na ang pagtatakda ng mga patakaran para sa pagpapaupa ng ilang bahagi nito para sa komersyal na paggamit.

Bahagi rin ng panukala ang paglalaan ng pondo para sa maintenance, security, at iba pang pangangailangan upang matiyak ang maayos at ligtas na operasyon ng buong estate.

Sa kabuuan, inaasahang magsisilbing sentro ang Capitol Estate hindi lamang para sa serbisyong administratibo kundi maging sa edukasyon, turismo, at komersyo sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa kasalukuyan, sumasailalim pa sa deliberasyon ang nasabing panukala sa Sangguniang Panlalawigan bago ito tuluyang maaprubahan at maisabatas.