DAGUPAN City—Isang Patient Under Investigation (PUI) ang nasawi dito sa lungsod ng Dagupan noong Martes, Abril 7 ng kasalukuyang taon habang ito ay kasalukuyang ginagamot sa isang pribadong ospital dito sa siyudad.

Ang nasabing biktima ay isang 79 gulang na lalaki na residente ng Barangay Pantal, kung saan ito ay ang pang-apat na PUI na namatay sa lungsod simula pa noong nakaraang linggo.
Na-admit ang naturang pasyente sa ospital noong Abril 6 kung saan ay wala itong travel history sa mga lugar na apektado ng COVID-19 ngunit ito ay napag-alamang nakaranas na ng stroke dalawang taon na ang nakakalipas.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ang mga Medical workers mula sa Department of Health at City Health Office ng contact tracing para matukoy lahat ng nakasalamuha nito.
Hinihintay na rin ang resulta ng swab test ng pasyente upang malaman kung ito ba ay positibo sa virus o hindi.

--Ads--