Naghain ang Office of the Ombudsman ng dalawang count ng graft at mga administrative complaint laban kina Sen. Mark Villar, Sen. Camille Villar, dating Senator Manny Villar, dating Senator Cynthia Villar, Paolo Villar, at iba pang opisyal ng mga lokal na water district dahil sa diumano’y masamang serbisyo ng tubig.
Kinumpirma ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang mga naturang reklamo ay kasalukuyan nang isinasailalim sa preliminary investigation ng kaniyang tanggapan.
Isinagawa ang hakbang matapos makatanggap ang Ombudsman ng ulat mula sa Office of the Government Corporate Council kaugnay ng mga kahina-hinalang kontrata sa probinsya at lungsod.
Batay sa ulat ng nasabing ahensiya, pumasok ang nasa 75 local water districts sa isang grossly disadvantageous na joint venture agreement sa Prime Water Infrastructure Corporation (PWIC) mula taong 2015 hanggang 2022.
Inaasahang ipatatawag ng Ombudsman ang pamilya Villar at ang mga dawit na opisyal upang maghain ng kani-kanilang counter-affidavit ukol sa isyu.










