Pinaniniwalaan ng Federal Bureau of Investigation na maaaring may kaugnayan sa terorismo ang pamamaril sa labas ng isang beer garden sa Austin, Texas na ikinasawi ng dalawang katao at mahigit isang dosena ang nasugatan.
Kinilala ang suspek na si Ndiaga Diagne, isang naturalisadong mamamayang Amerikano na ipinanganak sa Senegal.
Matapos tumugon sa mga ulat ng isang aktibong mamamaril bandang alas-2:00 ng madaling araw (08:00 GMT) noong Linggo malapit sa Buford’s bar sa kabisera ng estado sa timog ng US, sinabi ng pulisya na binaril at napatay din nila ang suspek, kaya umabot sa tatlo ang kabuuang bilang ng mga namatay.
Sa mga nakaligtas, 14 ang dinala sa ospital, at tatlo sa kanila ang nasa kritikal na kondisyon.
Ayon sa ilang saksi, ang suspek ay nakasuot ng sweatshirt na may nakasulat na “Property of Allah.”
Iniulat din sa imbestigasyon, may nakita ang mga pulis ng watawat ng Iran at mga larawan ng mga lider ng Iran nang halughugin nila ang bahay ng suspek.
Nangyari ang pag-atake sa parehong katapusan ng linggo kung kailan nagsagawa ang US at ang kaalyado nitong Israel ng ilang pag-atake sa Iran, na ikinamatay ng Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei.










