Pinagtibay ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang isang panukalang ordinansa na naglalayong higpitan ang pagbebenta ng mga gamot sa mga sari-sari store, bilang bahagi ng hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko at maiwasan ang paglaganap ng pekeng o maling paggamit ng mga gamot.

Sa deliberasyon, ipinaliwanag ni Councilor Jaja Cayabyab, Chairperson ng Health and Sanitation Committee, na bagama’t may mga over-the-counter na gamot tulad ng paracetamol, ang mga ito ay nararapat pa ring ibenta sa mga rehistradong parmasya na may lisensya at may presensya ng lisensyadong pharmacist.

Sa ilalim ng Draft Ordinance No. 0-029, Series of 2026, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi, at muling pagbebenta ng mga pharmaceutical products sa mga sari-sari store na walang lisensya mula sa Food and Drug Administration (FDA) at walang presensya ng lisensyadong pharmacist.

--Ads--

Kabilang din sa mga ipinagbabawal ang pagbebenta ng antibiotics sa anumang unlicensed outlet, anuman ang sitwasyon.

Nakasaad din sa panukala na ang Philippine National Police (PNP) at mga opisyal ng barangay ang magsasagawa ng regular na monitoring upang matiyak ang pagsunod sa ordinansa.

Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Councilor Dada Reyna sa naturang panukala, bagama’t nagbigay siya ng ilang katanungan ukol sa implementasyon nito sa antas ng barangay.

Ayon kay Reyna, malinaw na ang layunin ng ordinansa ay maiwasan ang pagkalat ng pekeng gamot at maprotektahan ang kalusugan ng mga residente. Gayunpaman, kanyang inusisa kung sino ang aktwal na magbabantay sa bawat barangay at kung sapat ba ang manpower ng lokal na pamahalaan para ipatupad ito.

Ibinahagi rin niya ang realidad sa mga komunidad kung saan karaniwang nakakabili ng over-the-counter na gamot tulad ng Biogesic, Mefenamic acid, at Alaxan sa mga sari-sari store. Dahil dito, tinanong niya kung tuluyan na bang ipagbabawal ang ganitong gawain sa ilalim ng ordinansa.

Binigyang-diin din ni Reyna ang kahalagahan ng information campaign upang maunawaan ng mga residente ang bagong patakaran.

Sa kabila ng kanyang mga katanungan, iginiit ni Reyna ang kanyang suporta sa panukala, na aniya’y para sa kapakanan ng kalusugan ng publiko.

Sa huli, inirekomenda ng Health and Sanitation Committee ang pag-apruba ng ordinansa, na kanilang inilarawan bilang napapanahon at kinakailangan upang matiyak ang ligtas at wastong paggamit ng mga gamot sa lungsod.