Nagpapatuloy ang pamamahagi ng relief goods sa Dagupan City para sa mga residente na naapektuhan ng nagdaang bagyo at malawakang pagbaha.

Ipinaliwanag ni Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez na isinasagawa ang pamamahagi sa iisang lugar sa bawat barangay upang matiyak ang transparency at makita ng publiko kung sino ang mga tumatanggap.

Sinusunod aniya nila ang mga alituntunin ng Department of Social Welfare and Development o DSWD upang maayos ang proseso at maproseso nang maayos ang mga kinakailangang dokumento.

--Ads--

Ginawa ng alkalde ang paliwanag kasunod ng mga ulat na hindi pa nakatanggap ng tulong ang ilang residente sa ilang barangay na nagdulot ng pagbatikos o pagpuna sa social media.

Maraming nagkomento na dapat umanong ihatid nang “house-to-house” ang mga relief goods.

Mayroon ding mga pumupuna na hindi lahat ay bibigyan ng tulong ngunit pagtitiyak ng alkalde na lahat ay mabibigyan ngunit hindi ito magagawa nang sabay-sabay kaya inuunti nila.

Sa kasalukuyan ay nakapamahagi na sila ng mahigit 30,000 relief packs sa buong Dagupan, at may natitira pang ilang libo na susunod na pamamahagi.

Patuloy naman ang kanilang pagsisikap upang matiyak na lahat ng pamilyang Dagupeño ay mabibigyan ng sapat na ayuda.

Pinapayuhan naman ng lokal na pamahalaan ang mga residente na maging matiyaga at makipag-ugnayan sa kanilang barangay kung hindi pa sila nakatanggap ng tulong.