Mas pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan matapos lumagda sa isang kasunduan para sa integration ng National ID sa Pangasinan E-Systems.

Nilagdaan nina Governor Ramon V. Guico III at Atty. Sheila O. de Guzman, Regional Director ng Philippine Statistics Authority-Regional Statistical Services Office 1 (PSA-RSSO 1), ang kasunduan sa ginanap na ceremonial signing na naglalayong pag-isahin ang mga datos ng iba’t ibang ahensya upang maging mas maayos, sistematiko, at mabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mga Pangasinense.

Partikular na tututukan ng integration ang sektor ng kalusugan, na isa sa mga pangunahing prayoridad ng pamahalaang panlalawigan.

--Ads--

Ayon kay Governor Guico, malaking tulong sa mga mamamayan ang maagap na pagtugon ng PSA sa pagsasama ng mga sistema ng datos.

Kabilang sa mga sistemang isasama sa integration ang authentication ng National ID, LGU Civil Registration System, at Community-Based Monitoring System.

Sa pamamagitan nito, mas mapapabilis na rin ang pagproseso ng mga dokumento tulad ng birth certificate, marriage certificate, Certificate of No Marriage (CENOMAR), death certificate, at iba pang serbisyong kinakailangan mula sa Philippine Statistics Authority.

Nakikitang ilagay ang isang tanggapan sa bayan ng Binalonan upang magsilbi sa Eastern Pangasinan, habang pinag-aaralan pa ang mas accessible na lokasyon para naman sa Western Pangasinan.

Sa buong bansa, ikalawa pa lamang ang lalawigan ng Pangasinan na nakapag integrate ng National ID Authentication Services sa kanyang Pangasinan E-Systems, para sa management ng mga serbisyong pangkalusugan kung kayat tumanggap ng pagkilala mula sa PSA ang Pangasinan