Tinitimbang pa ng House prosecution panel kung isasalang bilang testigo si Ramil Madriaga sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House prosecutor Terry Ridon, nakatakda pa lamang gumawa ng pinal na desisyon ang panel kaugnay ng pagtestigo ni Madriaga, na makailang ulit na ring kinuwestyon ng depensa ang kaniyang kredibilidad.
Matatandaang naghain ng ikalawang reklamong perjury ang kampo ng bise presidente laban kay Madriaga, na nagaakusa sa kaniya ng paggawa ng false statements sa kaniyang supplemental affidavit.
Naungkat ang naturang isyu matapos ilarawan ni Atty. Paolo Panelo ang posibleng pagharap ni Madriaga sa paglilitis bilang “funeral” ng prosekusyon, at sinabing lalamunin siya ng defense sa cross-examination.
Subalit kinuwestyon naman ni Ridon ang pagkokomento ni Panelo sa witness strategy ng prosekusyon, gayong hindi naman ito miyembro ng depensa.
Idinagdag pa ng House prosecutor na itinuturing si Madriaga bilang common witness, kayat wala aniyang magiging kabawasan sa kabilang panig.










