Itinuturing ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na positibong senyales ang naitalang pagtaas ng produksiyon ng palay sa ikalawang kuwarter ng 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Gayunman, iginiit ni SINAG Chairman Engr. Rosendo So na nananatiling malaking hamon ang mababang kita ng mga magsasaka, mataas na gastos sa produksyon, at mga isyu sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.
Sa panayam sa Bombo Radyo, sinabi ni So na bagama’t may pag-angat sa produksiyon, naapektuhan pa rin ang lawak ng mga taniman dahil maraming magsasaka ang nagbawas o pansamantalang huminto sa pagtatanim noong nakaraang taon bunsod ng mababang farmgate price ng palay.
Ayon sa kanya, nang bumaba ang presyo ng palay sa humigit-kumulang ₱14 kada kilo noong nakaraang taon, maraming magsasaka ang nawalan ng ganang magtanim. Aniya, nagsimula lamang muling bumuti ang sitwasyon ngayong taon nang makarekober ang presyo, dahilan upang unti-unting bumalik ang pagtatanim sa ilang lugar.
Umaasa rin si So na sa nalalabing bahagi ng taon ay mas marami pang magsasaka ang makapagtatanim upang makatulong sa layunin ng pamahalaan na mapalakas ang lokal na produksyon ng bigas at mabawasan ang pagdepende sa inaangkat na suplay.
Binigyang-diin ng opisyal ng SINAG na ang pinakamahalagang insentibo para sa mga magsasaka ay ang pagkakaroon ng patas at matatag na farmgate price.
Kasabay nito, muling binatikos ni So ang umano’y overpricing sa pagbili ng ilang agricultural inputs ng Department of Agriculture (DA). Aniya, may mga pataba na binibili ng pamahalaan sa presyong mas mataas kaysa sa karaniwang presyo sa merkado.
Iginiit ni So na bagama’t positibong indikasyon ang pagtaas ng produksiyon ng palay ngayong ikalawang kuwarter ng 2026, kinakailangan pa ring tugunan ang mga suliranin sa presyo ng palay, gastos sa produksyon, at mahusay na paggamit ng pondo ng agrikultura upang maging tuloy-tuloy ang paglago ng sektor at mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka.










