Inaasahan na umano ng mga labor group ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho matapos na umabot sa 2.41 milyon ang jobless Filipinos noong Abril, mas mataas kumpara sa 2.06 milyon na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers (FFW), malaking salik sa pagtaas ng unemployment rate ang patuloy na epekto ng pandaigdigang krisis sa enerhiya at pagtaas ng gastusin sa operasyon ng mga negosyo.

Ipinaliwanag niya na kabilang sa mga sektor na pinakaapektado ang retail at serbisyo, lalo na nang magbawas ng operating hours ang ilang establisimyento upang makatipid sa kuryente.

--Ads--

Bukod dito, nakaapekto rin umano ang matinding init ng panahon at heat stress sa ilang industriya, partikular yaong mga trabahong isinasagawa sa ilalim ng araw at nangangailangan ng malaking konsumo ng enerhiya.

Pinuna rin ng grupo ang pagpapatupad ng 4-day work week sa ilang lokal na pamahalaan at pribadong kumpanya bilang tugon sa mataas na konsumo ng kuryente.

Ayon kay Cainglet, matagal nang nagbabala ang mga labor group na maaaring hindi maging epektibo ang naturang polisiya.

Dagdag pa niya, mas nadaragdagan pa ang gastos ng mga manggagawa dahil sa mas mahabang oras ng trabaho at iba pang kaugnay na gastusin.

Dahil dito, nanawagan siya para sa mas malikhain at pangmatagalang solusyon sa halip na umasa lamang sa compressed work arrangements at work-from-home setups.

Samantala, nakiramay din ang grupo sa mga pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao at nanawagan sa pamahalaan at mga employer na unahin ang kaligtasan ng mga manggagawa.

Ayon kay Cainglet, makatuwiran ang pansamantalang pagpapatigil ng trabaho sa mga lugar na apektado ng lindol habang isinasagawa ang pagsusuri sa kaligtasan ng mga gusali at imprastraktura.