DAGUPAN CITY- Hindi tanggap ng mga public transportation workers ang pag-anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagsuspinde sa pagtaas ng pamasahe.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jaime Aguilar, Secretary General ng National Confederation of Transportworkers Union, ipinapakita lamang ng gobyerno na hindi nila alam ang gagawin upang matugunan ang krisis ng langis sa bansa.

Giit niya, doble-triple ang ipinatong sa presyo ng produktong petrolyo subalit, ibinabaon pa sa utang ang kanilang hanay.

--Ads--

Kung ayuda lamang ang itutulong sa kanila ay hindi ito pangmatagalan, bagkus, bond-aid solution lamang. Katulad na lamang ng Fuel Subsidy na ilang araw lang mapapakinabangan.

Nakikita ni Aguilar na ang kanilang isinusulong na Service Contracting Program ang pangmatagalang solusyon para sa kinakaharap na paghihirap ng kanilang sektor.

Ani Aguilar, nakita na nila ang naging impact nito noong 2022 at masasabi nila na mas makakatulong ito.

At kung ipapatupad ito, hindi na mahalaga ang pagkakaroon ng pagtaas sa pamasahe at makokontrol pa ang ‘domino effect’ ng oil price hike sa bansa.

Samantala, hindi sang-ayon si Aguilar sa pagsuspinde ng excise tax para sa petrolyo.

Aniya, mawawalan lamang ng budget ang gobyerno at mauuwi muli sa pag-utang ang bansa para mabigyan ng tulong ang mga apektado sa krisis ng petrolyo.