Dagupan City – Kasabay ng pagdiriwang ng Mother’s Day, tampok ang walang sawang pagsisikap ng mga ina na patuloy na nagtatrabaho upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, kabilang na ang mga flower vendor na abala sa pagbebenta ng bulaklak.
Isa sa kanila si Violeta Venson, isang ina na inilaan ang kanyang oras sa pagtitinda ng bulaklak sa kabila ng matinding init at pagod.
Para sa kanya, ang pamilya ang pangunahing dahilan ng kanyang pagpupunyagi, lalo na ang kanyang mga anak at apo na nais niyang matulungan kahit sa maliit na paraan mula sa kanyang kinikita.
Sa kabila ng kanyang edad, pinipili pa rin niyang magtrabaho kahit mas nais na lamang sana niyang manatili sa bahay at magpahinga.
Ayon sa kanya, mahalaga ang papel ng isang ina sa paggabay sa mga anak, lalo na sa panahon ngayon kung saan maraming kinahaharap na hamon ang kabataan.
Binibigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtuturo ng tamang asal at pananampalataya sa loob ng pamilya.
Samantala, ibinahagi rin ni Alexandra Lodo, isang flower vendor, ang kanyang karanasan sa pagbebenta ng bulaklak sa iba’t ibang lugar.
Para sa kanya, ang bulaklak ay sumisimbolo sa pagmamahal at pagpapahalaga, dahilan kung bakit ito patok na regalo tuwing Mother’s Day.
Sa kabila ng pagiging abala sa trabaho, aminado siyang hindi pa niya lubos na naipagdiriwang ang okasyon dahil sa pagtitinda.
Gayunpaman, nananatili ang kanyang mensahe ng pagpapahalaga sa mga ina at ang paalala na patuloy na gabayan at alagaan ang mga anak sa gitna ng nagbabagong panahon.
Ipinapakita ng kanilang mga kwento ang sakripisyo at dedikasyon ng mga ina at manggagawa na mas pinipiling magtrabaho sa halip na magpahinga upang masuportahan ang kanilang pamilya.
Sa pagdiriwang ng Mother’s Day, higit na nabibigyang-halaga ang kanilang mahalagang papel sa tahanan at sa lipunan, bilang mga ilaw at sandigan ng kanilang mga mahal sa buhay.










