Dagupan City – Ipinatutupad sa bayan ng San Nicolas ang 24/7 duty ng mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Committees.

Ito ay bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kahandaan sa sakuna at pagtugon sa mga emergency.

Layunin ng programang ito na matiyak ang agarang pagtugon sa anumang insidente o kalamidad at ang pagkakaroon ng mga nakaantabay na tauhan na handang magbigay ng kinakailangang tulong sa mga residente anumang oras ng araw o gabi.

--Ads--

Sa ilalim ng nasabing pagpapatupad, inaasahang magkakaroon ng tuloy-tuloy na pagbabantay at koordinasyon ang bawat barangay upang mabilis na makapagbigay ng impormasyon, magsagawa ng paunang aksiyon, at makipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensiya kung kinakailangan.

Ayon sa pamahalaang bayan, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng bawat Barangay DRRM Committee upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad, lalo na sa panahon ng matinding pag-ulan, pagbaha, bagyo, at iba pang hindi inaasahang pangyayari.

Sa pamamagitan ng 24/7 duty ng mga Barangay DRRM Committees, higit na mapalalakas ang kahandaan ng mga barangay at matitiyak na ang bawat mamamayan ay makatatanggap ng maagap at episyenteng serbisyo sa oras ng pangangailangan.