Dagupan City – Dumaan sa tamang proseso ng batas ang paglalabas ng warrant of arrest ng Quezon City Regional Trial Court laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito umano ang ipinaliwanag ni Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Senior Research Fellow ng Ateneo Policy Center kung saan ay sinabi niyang isinailalim muna sa imbestigasyon at preliminary investigation ang kaso bago naglabas ng warrant of arrest ang korte.
Aniya, bahagi ito ng normal na proseso sa isang criminal case kung saan kinakailangang dumaan sa pagsusuri ng mga awtoridad bago umusad sa susunod na yugto ang kaso.
Nilinaw rin ni Yusingco na normal lamang ang pagkaantala sa pagpiyansa ng akusado matapos mailabas ang warrant of arrest noong Biyernes.
Matagal na aniyang iniimbestigahan ng prosecutor ang naturang kaso, na nag-ugat pa noong 2024. Dahil dito, sinabi niyang walang batayan para sabihing sinadya ang timing ng pagpapalabas ng warrant upang isabay sa impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.
Ani Yusingco, nagkataon lamang na nagtugma ang dalawang pangyayari dahil malinaw na dumaan sa regular na proseso ang criminal case.
Binigyang-diin din ng political analyst na walang nakasaad sa jurisprudence na may immunity from suit ang isang vice president.
Samantala, ipinaliwanag niya na magkaiba ang impeachment at criminal case.
Ani Yusingco, ang impeachment ay isang political process at hindi criminal, civil, o administrative proceeding habang sa trial court, kailangang mapatunayan ng prosekusyon ang mga elemento ng krimen na ibinibintang sa akusado.
Sa impeachment, kailangang mapatunayan ang betrayal of public trust, habang sa criminal case ay kailangang mapatunayan ang mga elemento ng kasong grave threats.
Matatandaang naglabas ang Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ng warrant of arrest laban kay Vice President Duterte kaugnay ng tatlong counts ng grave threats.
Nag-ugat ang kaso sa mga pahayag ni Duterte na mayroon siyang nakuhang tao na maaaring pumatay kay President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ang Department of Justice ang nagsampa ng tatlong counts ng grave threats laban sa Bise Presidente.










