Walang magandang kahihinatnan ang muling pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE ngayong taon, ayon kay Atty. Ona Caritos, Executive Director ng Legal Network for Truthful Elections o LENTE. Aniya, mahalagang maging regular at periodic ang halalan upang matiyak ang karapatan ng mga mamamayan na pumili ng kanilang mga opisyal.


Ayon kay Caritos, nasa 90 hanggang 95 porsiyento na umano ang kahandaan ng Commission on Elections o COMELEC para sa BSKE at hinihintay na lamang ang filing ng Certificate of Candidacy ng mga kandidato. Aniya, kapag paulit-ulit na ipinagpapaliban ang halalan, maaaring madismaya ang mga botante at mawalan ng gana na makilahok sa proseso ng pagboto.


Bagamat sa ngayon ay hindi pa rin napipirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panibagong panukala batas na ipinasa ng Kongreso para ipagpaliban ang halalan hanggang 2028 at gawing limang taon ang termino ng mga Baranggay at SK officials.

--Ads--


Binanggit din ni Caritos ang 2023 desisyon ng Korte Suprema sa Macalintal v. COMELEC, na nagdeklara sa dating batas na nagpaliban sa 2022 BSKE bilang unconstitutional. Bagamat kinikilala ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Kongreso na magtakda ng termino at magpasa ng batas hinggil sa postponement, binigyang-diin nito ang pangangailangang may sapat at makatwirang dahilan para maantala ang halalan.


Para kay Caritos, hindi dapat basta ipagpaliban ang halalan dahil hindi lamang nito naaapektuhan ang karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga opisyal, maaari rin umanong hindi mapalitan ang mga opisyal na hindi tumutupad sa kanilang tungkulin. Dagdag pa niya, maaaring masayang ang bahagi ng pondong nagamit sa training at paghahanda ng election personnel kung hindi matutuloy ang halalan ngayong taon.